Nakatakdang maghain ng reklamo ang Pilipinas sa China kaugnay ng ulat ng panibagong harassment na dinaranas ng mga Pilipinong mangingisda mula sa kamay ng Chinese Coast Guard na nakaposte sa Scarborough o Panatag Shoal.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat hinahayaang maghanap buhay ang mga Pinoy sa naturang karagatan bunsod na rin ng naging pag-uusap nila Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Batay sa report, puwersahang kinukuha o hinihingi ng mga Tsino ang mga huling isda ng mga Pilipino na nangingisda sa paligid ng naturang bahura na mahigit dalawandaang (200) kilometro ang layo mula sa bayan ng Masinloc, Zambales.
Bagama’t pasok na sa exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas ang Scarborough Shoal patuloy pa rin itong binabantayan ng Chinese Coast Guard na umaangkin sa naturang bahura.
Magugunitang ibinunyag ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano ang ginagawang pangha-harass ng mga Tsino sa naturang bahura, tila ipinagkikibit-balikat lamang iyon ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa kanilang paghaharap sa pagdinig ng Kamara kamakailan.
—-