Patuloy na pinaghahandaan ng Department of Education (DepEd) ang pormal na pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan sa harap ng COVID-19 pandemic.
Ito’y ayon kay Education Sec. Leonor Briones makaraang lumabas sa pakikipagpulong nila sa United Nations International Children’s Fund (UNICEF) na tanging ang Pilipinas na lamang ang hindi pa bumabalik sa face-to-face classes sa Timog-Silangang Asya.
Paliwanag ng kalihim, contextualized ang face-to-face classes ng mga mag-aaral sa ibang bansa kung saan ay limitado lamang sa ilang oras at araw ang kanilang pasok depende sa sitwasyon.
Gayunman, nauunawaan naman nila ang naging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag munang bawiin ang suspensyon sa face-to-face classes dahil na rin sa U.K. variant ng COVID-19 na nananalasa ngayon sa bansa.