Tatanggap ang Pilipinas ng nasa 300,000 COVID-19 vaccine doses mula sa COVAX facility sa Hunyo 20 upang palitan ang mga nag-expire na bakuna.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, hindi pa sila natatapos sa wall-to-wall inventory ng mga bakuna pero nakikipag-negosasyon sa COVAX facility para palitan ang mga expiring vaccine.
Sa tansa naman ni National Vaccination Operations Center Head at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, halos dalawang milyong doses ng bakuna ang nakatakdang mag-expire sa katapusan ng Hunyo.
Simula Pebrero 28 noong isang taon hanggang nito lamang Hunyo 1, aabot na sa 245,233,560 vaccine doses na ang natanggap ng Pilipinas.
Sa nasabing bilang, nasa 194,172,000 doses ang naipamahagi hanggang nitong Mayo 29.
Tinatayang 69.5 million o 77.3% na ng 90 million eligible population ng bansa ang fully vaccinated.