Tuloy pa rin paghahain ng diplomatic protests ng Pilipinas laban sa China.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior kasunod ng isa namang insidente ng umano’y pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Pangulong Marcos, kahit nagkasundo ang Pilipinas at China na magkaroon ng direktang linya upang pag-usapan ang mga isyu sa South China Sea at WPS, hindi ito magiging hadlang sa bansa na iparating kay Chinese President Xi Jinping ang mga insidente ng pangtataboy o pangha-harrass sa mga Pilipinong mangingisda.
Ginamit na rin aniya ng pamahalaan ang isinulong na mekanismo kaugnay sa pagkakaroon ng open communication sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, umaasa ang pangulo na makabubuo ng kasunduan ang Pilipinas at China, lalo’t hindi armado ang mga Pilipinong mangingisda at walang dalang panganib ang mga ito.