Sa harap ng umiinit umanong maritime dispute sa West Philippine Sea, target ng Pilipinas at Estados Unidos na bumuo ng isang security road map para sa delivery ng U.S. Defense assistance sa susunod na lima hanggang sampung taon.
Ito ang tinalakay sa pulong sa Washington D.C., sa Amerika nina Defense Secretary Carlito Galvez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa kanilang counterpart na sina U.S. Defense Secretary Lloyd Austin at State Secretary Antony Blinken.
Ayon kay Secretary Austin, kabilang sa mga i-de-deliver ang mga “priority defense platforms” gaya ng mga radar, drone, military transport aircraft, coastal at air defense systems.
Gayunman, masyado pa anyang maaga upang talakayin kung anong mga partikular na defense assets ang i-po-posisyon ng U.S. Sa ilang piling base militar ng Pilipinas sa ilalim ng pinalawak na enhanced defense cooperation agreement.
Ipinunto naman ni Secretary Manalo na layunin lamang ng EDCA sites na ayusin ang military interoperability, tugunan ang mga posibleng humanitarian disaster at rumesponde sa iba pang uri ng security challenges.
Nakasaad din sa joint statement ng apat na opisyal na mula sa dating 80 million dollars, itinaas na ng amerika sa 100 million dollars ang alokasyong pondo para sa pagasaayos ng edca sites na ilalaan bago magtapos ang taon.