Walang balak na makipag-giyera ang Pilipinas sa China sa kabila ng lantarang pahayag ng China na hindi nito igagalang ang inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pabor sa Pilipinas.
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, magiging mahinahon ang gobyerno at kikilos ng naayon sa itinatadhana ng batas.
Malugod aniyang tinanggap ng gobyerno ang ruling ng Korte at hihintayin ang magiging pag-aaral ng mga abugado ng gobyerno bago kumilos at gumawa ng mga hakbang.
Sinabi ni Abella na tuloy-tuloy lang ang kanilang trabaho at hahayaan ang Office of the Solicitor General na gawin ang mandato at trabaho batay sa naging desisyon ng Arbitral Court.
Matatandaang una ng inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pinakamainam gawin sa isyu sa West Philippine Sea ay makipag-usap at hindi sasabak o makipag-giyera sa China.
Samantala, nag-iinit naman ang ilang grupo at Non-Government Organization at balak na languyin ang mga isla sa West Philippine Sea upang ipakita umano sa China na pag-aari ng Pilipinas ang mga inaangking teritoryo.
By: Avee Devierte