Nagsimula nang kumanta sa mga otoridad ang Pilipinong suspek sa tangkang pambobomba sa New York City noong nakalipas na taon.
Ipinabatid ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año na may mga impormasyong ibinunyag si Dr. Russell Salic nang sumailalim ito sa interogasyon subalit hindi muna nila ito isasapubliko.
Sinabi ni Año na si Salic ay bahagi ng logistics support network ng mga international terrorist group dahil ito ang nagpapadala ng pera sa mga hinihinalang terorista sa Middle East, Malaysia at Amerika.
Taong 2014 pa aniya nang simulan nilang manmanan katuwang ang International Police o INTERPOL si Salic.
Tiniyak ni Año na tuloy ang imbestigasyon kay Salic partikular na sa posibleng ugnayan nito sa iba pang terorista sa Pilipinas tulad ng Maute group.