Nanawagan si Ang Probinsyano Representative Ronnie Ong sa Department of Trade and Industry (DTI) na silipin at ipahinto ang pang-aabusong ginagawa ng mga franchisor sa kani-kanilang mga franchisees.
Ayon kay Ong, may isang fitness club na pinatatakbo at pinamamahalaan ng franchise agreements ang pinupwersa ng franchisor nito na patuloy na magbayad ng franchise fees sa kabila ng matinding pagkakalugi nito.
Mababatid na may lumapit na ilang franchisees ng fitness chain kay Ong para humingi ng tulong dahil hindi man lang aniya sila binigyan ng pagkakataon para makabawi matapos na magsara dahil sa epekto ng ipinatupad na quarantine status.
Batay sa reklamo, bago pa ang pandemic, nagbabayad ang mga franchisees ng 250 -300k kada buwan, pero pagsapit ng buwan ng Hulyo, sila’y pinagbabayad ng aabot sa 150,000 kada buwan gayong hindi na nila kayang bayaran ito dahil 30% capacity lamang ang pinahihintulutan sa mga fitness club.
Sa huli, kinundena ni Ong ang patuloy na paniningil ng mga franchisors kahit pa matinding napadapa na ng pandemya ang kanilang mga franchisees.