Hawak na ng Korte Suprema ang resulta ng pilot recount ng mga boto para sa pagka-bise presidente.
Ayon kay Supreme Court spokesman Brian Keith Hosaka, nakapaloob sa report ni Supreme Court Associate Justice Benjamin Caguioa ang resulta ng muling pagbibilang sa mga boto mula sa tatlong lalawigan na pinili ni dating senador Bongbong Marcos.
Ito ay ang mga lalawigan ng Iloilo, Negros Occidental at Camarines Sur na may 5,415 mga presinto.
Gayunman, sinabi ni Hosaka na hindi pa inaaksyunan ng Korte Suprema ang report ni Caguioa.
Ipinaliwanag ni Caguioa na matapos pag-aralan ang resulta ng pagbibilang sa pilot provinces, maaari nang magdesisyon ang tribunal kung ibabasura ang protesta o kaya ay ipagpapatuloy pa ang pagbibilang.