Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) inter-agency Technical Working Group (TWG) na wala nang ba-byaheng mga motorcycle taxi sa oras na matapos na ang extended pilot run ng operasyon nito hanggang Marso sa susunod na taon.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) member at TWG on motorcycle taxi chairman Antonio Gardiola Jr., hindi na palalawigin pa ang naturang pilot run at hihintayin na lamang na ang kongreso na amyendahan ang batas na papayag na magsilbing public transport ang mga motorsiklo.
Aniya, maglalabas sila ng conclusive study ukol sa naging pilot run sa motorcycle ride-hailing applications para magiging gabay ng mga kongresista.
Una nang pinayagan ang Angkas na mag-operate ng anim na buwan at binigyan lamang ito ng extension ngunit dinagdagan naman ang player ng dalawa pang kumpanya, ang Move It at Joyride.