May mga humihikayat umano kay Senator Koko Pimentel para huwag na niyang suportahan ang Pangulo ng kanilang partido na si PDP Laban President Senator Manny Pacquiao.
Pero ayon kay Pimentel, agad niyang binabalewala ang mga natanggap nq text messages ukol dito.
Hindi masabi ni Pimentel kung ang mga mensahe ay nanggaling sa kampo ni Energy Secretary Alfonso Cusi na bumabanat kay Pacquiao.
Una nang sinabi ni Pimentel na itinututulak si Pacquiao ng PDP Laban para sumabak sa mas mataas na posisyon kasunod ng pag-akyat nito bilang pangulo ng PDP Laban nung Disyembre.
Pero na-alarma aniya ang grupo ni Cusi rito.
Hinala ni Pimentel may gustong suportahan sina Cusi sa pagka-Pangulo na nasa labas ng partido.
Aminado si Pimentel na nanganganib mabuwag ang PDP Laban kapag outsider o taga labas ng partido ang hirangin na kandidato sa pagka-Pangulo.
Kapag nanalo aniya ang outsider, tiyak na magtalunan doon ang mga miyembro ng PDP Laban.
Misyon daw ni Pimentel na mapanatiling nakatayo at may disiplina ang kanilang partido na itinatag ng kanyang ama na si Dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel. —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19)