Posibleng magdulot ng constitutional crisis ang pagpapatalsik ng Korte Suprema kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito, ayon kay Senate President Koko Pimentel, ay kung kukuwestyunin ng Kamara ang pagkatig ng walong associate justices sa quo warranto petition ni Solicitor-General Jose Calida na nagresulta sa pagkakasibak sa Punong Mahistrado.
Kung sabihin ng House na hindi valid ‘yung pagpapatalsik ng Supreme Court kay Sereno at sabihin ng House na nakaupo pa rin si Sereno kaya itra-transmit nila ‘yung articles of impeachment sa Senado, doon tayo magkakaron ng Constitutional crisis. Pahayag ni Pimentel
Magkakaroon din aniya ng kalituhan sa sandaling ipasa ng Kamara ang articles of impeachment sa Senado.
Pagkadating sa Senado ng articles of impeachment, magme-meeting ang mga senador at sa tingin din nila na agree kami sa House na hindi pa siya napapatalsik kaya magkakaroon kami ng trial. Bakit ko sinasabi na magkakaroon ng crisis, kasi sa mata ng Supreme Court tanggal na si Sereno, pero kung sa mata ng Kongreso, hindi pa siya tanggal then we have a problem. Kasi ano ang tunay na status niya, tanggal ba o hindi tanggal? Paliwanag ni Pimentel
Samantala, aminado naman si Pimentel na malabong manghimasok sa ngayon ang mataas ng kapulungan ng Kongreso sa nasabing desisyon ng Supreme Court.
Sen. Drilon, dismayado rin sa naging resulta ng quo warranto petition vs. Sereno
Dismayado rin si Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon sa desisyon ng Korte Suprema na patalsikin sa pwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ni Solicitor-General Jose Calida.
Ayon kay Drilon, malinaw na nilabag ng mayorya ng mahistrado ng Supreme Court ang Saligang Batas sa kanilang pagkatig sa quo warranto case ng Solicitor General laban kay Sereno.
Sa akin po mali, mali ‘yung ginawa ng Korte Suprema, sa ating Saligang Batas. Maaalis lamang ang isang Chief Justice sa pamamagitan ng isang impeachment rial, at ang Senado ang siyang magsisilbing impeachment court. This is a violation of our constitution, at bilang isang abogado, hindi ako sang-ayon sa position ng Supreme Court. Pahayag ni Drilon
Gayunman, hindi kumbinsido ang senador sa pahayag ng kasamahan sa mataas na kapulungan ng Kongreso na si Senate President Koko Pimentel na magdudulot ng constitutional crisis ang nasabing hakbang ng Supreme Court.
Hindi naman magkakaroon ng constitutional crisis dahil hindi naman ipipilit ni Sereno na ipagpapatuloy niya ang tungkulin niya bilang Chief Justice. Ang problema lang dito, ang Solicitor General ay pwede nang mag-file ng quo warranto against any impeachable official. Ito ang hindi maganda rito, ito ay isang precedent na nagbibigay kapangyarihan sa SolGen na paalisin via quo warranto petition ang sinumang official na pwedeng impeachment proceeding lamang ang paraan. Paliwanag ni Drilon