Kinasuhan na sa Department of Justice (DOJ) si Senador Koko Pimentel dahil sa ‘di umano’y paglabag nito sa mandatory reporting of notifiable diseases act at iba pang regulasyon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic tulad ng mandatory quarantine.
Ang kaso ay isinampa ni Atty Rico Quicho sa pamamagitan ng electronic mail.
Ginamit na batayan ni Quicho sa isinampa nyang kaso ang 200,000 lagda na nakalap sa change.org na kumukundena sa paglilibot ni Pimentel sa Makati City Medical Center nang dalhin nya sa ospital ang asawang buntis.
Sinabi ni Quicho na malinaw na aminado naman si Pimentel sa kanyang nagawang paglabag sa panuntunan subalit hindi anya ito nakitaan ng pagsisisi.
Nagpahayag ng pag-asa si Quicho na agad aaksyunan ng DOJ ang inihain nyang kaso bilang pagsunod sa batas na walang takot at walang pinapaboran.