Pinag-aaralan na ng Philippine National Police o PNP na tanggalin ang mga inilatag na checkpoint sa Metro Manila.
Ito’y kasunod ng mga reklamo na nagsisilbi lamang umanong chokepoints ang mga ito dahil na rin sa nagiging sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, isang magandang hakbang sana ito para sa kanila lalo pa’t mailalagay nila ang mga pulis sa mga lugar kung saan sila mas higit na kinakailangan tulad ng mga ayuda center.
Gayunman, sinabi ng PNP Chief na mangyayari lang ang pag aalis sa mga checkpoint kung magagawa na ng mga Pilipino na sumunod sa quarantine at health protocols upang hindi kumalat ang COVID-19.
Samantala, ngayong araw, muling mag iikot ang PNP Chief para silipin ang mga Barangayanihan partikular sa katimugang bahagi ng Metro Manila.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)