Binatikos ng mga taga-oposisyon sa Senado ang ginawang pagpataw ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon kay Pemberton na pumatay kay Pinay transgender Jennifer Laude.
Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, kwestyonable at kontrobersyal ang ginawa ng pangulo at tahasan aniyang paglihis ito sa palpak na aksyon ng pamahalaan kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi naman ni Senadora Risa Hontiveros, na dagdag hinanakit sa pamilya laude ang ginawa ng pangulo, at insulto sa LGBTQI+ na dating sinabi ng pangulo na suportado niya ito.
Pero kung si Senadora Imee Marcos ang tatanungin, ang hakbang ng pangulo ay indikasyon lamang ng malalim na relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Pagdidiin pa ni Marcos, tinuldukan na ng pangulo ang isyu na maaari pang samantalahin o gamitin balang-araw ng mga taga oposisyon.
Dagdag pa ng Senadora Imee Marcos, naisilbi na ang hustisya sa pamilya laude alinsunod sa justice system ng bansa at Visiting Forces Agreement (VFA). —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)