Patungo na sa China ang advance team ng World Health Organization (WHO) para ayusin ang ikakasa nilang imbestigasyon kaugnay ng pinagmulan ng novel coronavirus na sanhi ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay WHO spokeswoman Margaret Harris, binubuo ang grupo ang dalawang eksperto na pawang mga ispesiyalista sa kalusugan ng mga hayop at epidemiology.
Sinabi ni Harris, makikipag-ugnayan ang dalawa sa mga Chinese scientists para tukuyin ang mga magiging sakop at itinerary ng isasagawang imbestigasyon sa pinagmulan ng virus.
Magiging sentro aniya rito ang pag-tukoy kung paano nailipat ang novel coronavirus mula sa paniki patungo sa tao at kung dumaan pa ito sa isang intermediate species.
Magugunitang, iginiit noon ni U.S. President Donald Trump na nagmula ang virus sa laboratoryo sa Wuhan na mariin namang itinanggi ng China.