Naghahanda na ang Metro Manila Council (MMC). Sa posibleng pagpasok at pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa National Capital Reigon (NCR).
Karagdagang 5,000 contact tracers ang hiniling ng MMC sa Inter-Agency Task Force sakaling makapasok sa Metro Manila ang nasabing variant na unang nadiskubre sa india.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, mahalagang maging maagap upang maiwasan ang panibagong community transmission.
Sa ngayon anya ay nagpapatuloy ang swabbing, testing at isolation habang inihirit na rin nila sa national government ang mas mahigpit na border control upang maitaboy ang banta ng Delta Variant.
Magugunitang pinalawig ng pamahalaan hanggang Hunyo 30 ang travel ban sa mga pasaherong mula India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman. —sa panulat ni Drew Nacino