Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Rey Leonardo Guerrero na ipagpapatuloy ng militar ang pinaigting na operasyon kontra New People’s Army (NPA).
Ayon kay Guerrero, target nilang mapababa ang bilang ng mga rebelde sa kalahati ngayong taon na kasalukuyang nasa tatlong libo at pitongdaan (3,700).
Dapat aniyang mapanatili ang momentum ng operasyon laban sa CPP-NPA lalo’t idineklara na itong teroristang grupo alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinagmalaki naman ni Guerrero na naging matagumpay ang kanilang militar campaign upang mapahina ang puwersa ng mga rebeldeng komunista noong 2016 at 2017.
Magugunitang nagdeklara ng ceasefire ang NPA at pamahalaan noong Disyembre 23 hanggang Disyembre 26, 2017 at Disyembre 30 hanggang Enero 2, 2018.
Apat (4) ang naging paglabag ng NPA sa naturang unilateral ceasefire kabilang ang ginawang pag – atake sa isang army detachment sa Compostela Valley, at tangkang pagdukot sa isang CAFGU sa Davao Oriental noong Pasko.