Isang panibagong COVID-19 variant na nagtataglay ng maraming mutations ang natuklasan ng mga siyentipiko sa South Africa.
Ang bagong variant na tinawag na C.1.2, ay unang na-detect noong Mayo ay kumalat na sa malaking bahagi ng mga probinsya sa South Africa at pitong iba pang bansa sa Africa, Europa, Asya at Oceania.
Ayon kay Richard Lessells, Infectious Disease Specialist ng South Africa, ang pagkaka-diskubre sa panibagong variant ay indikasyon na hindi pa natatapos ang pandemya.
Gayunman, hindi pa aniya nila mabatid kung mas nakahahawa ang C.1.2 o may immunity sa mga COVID-19 vaccine dahil nasa unang bahagi pa lamang ng laboratory studies ang mga eksperto.
Nasa 3% pa lamang ang kaso ng C.1.2 variant sa South Africa noong Hulyo kumpara sa Delta variant na may 89% sa kaparehong panahon. —sa panulat ni Drew Nacino