Kasado na ang idaraos na malawakang Konsultasyong Sulit at Tama (KONSULTA) Program ng Philhealth bukas, araw ng Sabado.
Ayon sa Philhealth, gagawin ang programa sa 13 registration sites sa Metro Manila mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Binigyang diin ng Philhealth na ang KONSULTA package ay pinakabagong benepisyong handog nito para mapalakas, mapagtibay at mabigyan ng primary health care services ang lahat ng mga Pilipino tungo sa maayos at sapat na pangangalaga sa kalusugan.
Kabilang sa mga itinalagang Philhealth KONSULTA registration sites ang West Rembo Sports Complex sa Makati City; Executive Building, Maysilo Circle, Plainview sa Mandaluyong City; Skydome, SM City North Edsa sa Quezon City; Marikina Sports Complex sa Marikina City; at Barangay 17 Covered Court sa Tondo, Maynila.
Bukod pa ito sa Pulang Lupa Uno Covered Court sa Las Piñas City; Don Galo Elementary School sa Paranaque City; Wes Arena, Barangay Punturin sa Valenzuela City; San Jose Academy Covered Court sa Navotas City; Riverside Covered Court, Riverside Subdivision, Barangay Sto. Domingo sa Cainta, Rizal; at Pateros Municipal Hall sa Pateros.