Tututukan ng pambansang pulisya ang dumaraming bilang ng mga napapasama sa kanilang listahan ng mga nasasangkot sa iligal na droga.
Ito’y ayon kay PNP Spokesman C/Supt. John Bulalacao matapos madagdagan ng 1,000 ang mga pangalan sa kanilang drug watchlist sa loob lang ng halos isang buwan.
Dagdag pa ng opisyal, kasama sa kanilang validated watchlist ang lahat ng mga sangkot sa drug trade mula sa mga high value target hanggang sa street level pusher at user.
Samantala, iniulat din ng PNP na aabot na sa mahigit 100 at nasawi habang nasa 10,000 na ang arestado sa tatlong buwang war on drugs.
Batay sa datos ng PNP mula Disyemre 05 nuong isang taon hanggang nitong Marso 01, nasa 41 ang napatay sa Central Luzon, 15 sa Metro Manila habang 20 naman sa Region 12.
Tatlong libo naman ang naaresto sa Metro Manila habang 1,100 naman sa Gitnang Luzon na pawang naaresto at napatay sa ilalim ng updated drug watchlist ng PNP.
Mahigit 3,100 mga personalidad ang napasuko sa isang buwang Oplan Tokhang mula Enero 29 hanggang Marso 01.
Pagmamalaki pa ni Bulalacao, walang nanlaban sa mga sumuko kung saan, pinakamarami sa Mindanao na may 405 habang sa Metro Manila naman ay aabot ng 240.
Jaymark Dagala / Jonathan Andal / RPE