Sumahimpapawid na ang pinakabagong eroplanong pandigma ng Philippine Air Force sa ikinasang overflight missions sa Visayas.
Ayon kay Air Force Spokesman Col. Antonio Francisco, alas-10:00 kaninang umaga nang lumipad ang dalawang FA-50 fighter jets mula sa Mactan Air Base patungong Catbalogan sa Samar at tutuloy sa Calbayog bago bumalik ng Mactan.
Layon aniya ng overflight missions na sanayin ang Air Force pilots sa iba’t ibang aspeto ng flight mission gamit ang mga bagong jet fighter tulad ng weather conditions, terrain at areas of interest.
Sinabi pa ni Francisco na pagkakataon din ito para maipakita sa publiko ang kahalagahan ng mga bagong eroplano sa pagtatanggol ng teritoryo ng bansa at maipagmalaki ang pagbabalik ng Air Force sa supersonic age.
By Judith Larino