Nalubog sa matinding baha ang ilang lugar sa United Arab Emirates (UAE) dulot ng malakas na hangin at pag-ulan.
Nakapagtala ito ng 10 inches ng ulan sa Abu Dhabi sa loob lamang ng isang araw, ang pinakamataas mula noong 1949.
Dahil sa tindi ng baha, ilang katao ang naiulat na namatay, kabilang na ang tatlong Pilipino.
Pansamantala ring huminto ang operasyon ng airport sa Dubai kung saan 50 flights ang nakansela.
Maging ang Dubai Mall, Mall of the Emirates, at Dubai Metro station, pinasok ng mataas na baha.
Samantala, patuloy namang binabantayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng mga apektado nating kababayan sa UAE.
Inihahanda rin ng kanilang mga opisyal sa Abu Dhabi at Dubai ang mga pagkain at kagamitan para sa overseas Filipino workers (OFWs).
Nauna nang inihayag ng mga pamahalaan ng UAE at Oman na posibleng magdulot ng pagbaha ang climate change sa kanilang mga lugar. At ngayong nangyari na ang kinatatakutan, maging paalala sana ito sa lahat na totoo ang climate change at dapat na itong aksyunan sa lalong madaling panahon.