Magtitipon-tipon ang pinakamalaking koalisyon ng non-government organizations, people’s organization at mga kooperatiba na nagsusulong ng social development sa Pilipinas para sa Social Development Week 2022 at 7th Congress nito mula October 24 hanggang 28, 2022.
Sinabi ng Caucus of Development NGO Networks (CODE-NGO) na tatalakayin sa event, na may temang “Magpakahusay: Strengthening civil society in a democracy in flux”, ang mga pagkilos at direksiyon na tatahakin para mabawi ang sama-samang lakas kasunod ng nagdaang 2022 National at Local Elections.
Pag-uusapan din sa aktibidad na ito ang mahahalagang isyu at titingnan ang kasalukuyan at hinaharap na sitwasyon mula sa iba’t ibang anggulo.
Inaasahan namang tutularan ng kasalukuyang administrasyon ang tinatawag na Authoritarian Playbook na popular sa mayorya ng Pilipino.
Samantala, sa October 24, gagawin ang pagbubukas ng plenary session ng 7th Congress at dito tatalakayin ang sitwasyon ng demokrasya sa bansa matapos ang naganap na halalan nitong nagdaang Mayo. —sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)