Patay ang lima katao matapos masunog ang ginagawang bahagi ng gusali ng Serum Institute of India na pinakamalaking pagawaan ng bakuna sa mundo ngayong Huwebes ayon kay Pune City Mayor Murlidhar Mohol.
Batay sa ulat ng AFP News Agency, ang naturang pabrika ay siyang pagawaan ng bakunang gawa ng AstraZeneca at Oxford University.
Pagllinaw naman ng Serum institute, naganap ang naturang sunog sa bagong pasilidad na ginagawa sa 40 ektarya campus at hindi aniya maaapektuhan ang produksyon ng bakuna nang naganap na sunog.
Ayon naman sa mga opisyal, wala namang naiwang tao sa loob ng nasunog na establisyemento habang nagpa-abot naman ng pakikiramay si CEO Adar Poonawalla sa pamilya ng 5 nasawi batay sa kanyang twitter post.
Samantala, hindi pa natutukoy ng otoridad ang dahilan ng naturang sunog.
Matatandaang ang Serum Institute ay itinatag noong 1966 ni Cyrus Poonawalla ang ama ni CEO Adar na nakakalikha ng 1.5 bilyong doses ng iba’t ibang bakuna gaya ng anti-polio, diptheria, tetanus, hepatitis B, measles at iba pa na pinadadala sa higit 170 bansa sa mundo. —sa panulat ni Agustina Nolasco