Naitala ng Kamara ang bagong record sa pinakamaraming naipasang panukalang batas.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, isa itong patunay ng pagiging produktibo at pagsusumikap ng mga mga mambabatas ngayong 19th Congress.
Ang naabot anya ng mababang kapulungan ng Kongreso ay nagtaas sa standard na dapat sundan ng mga kongresista sa hinaharap.
Giit pa ng Lider ng Kamara, ito ang nagtaas sa reputasyon ng kamara bilang isang kapulungan na umaaksyon ng may resulta.
Ipinunto ng House Chief na mula sa pagbubukas ng 19th Congress noong July 25, 2022 hanggang nitong December 27, 2024, umabot na sa 13,454 ang mga inihaing panukala.
Sa naturang bilang, 1,368 ang naaprubahan kung saan, 166 ang naging ganap na batas, 73 ang national laws at 93 naman ang local laws.
Kaugnay nito, nangako si Speaker Romualdez na ipagpapatuloy ang nasimulan ng mababang kapulungan ng kongreso partikular ang pagbibigay ng aksiyon, pagkakaisa, may integridad, pagbabago, maayos na proseso, at resulta tungo sa paghubog ng isang matatag at inklusibong Pilipinas. – Sa panulat ni Kat Gonzales