Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na daily vaccination rate mula nang umarangkada ang vaccination program noong Marso ngayong taon.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., umabot sa 229,769 doses ang naiturok noong Huwebes kaya’t nabasag nito ang 120,529 jabs na naitala naman noong Mayo 15.
Sa kabuuan, nasa 3,718,308 doses na ang naipamahagi sa iba’t ibang panig ng bansa sa priority groups na A1, A2 at A3 na kinabibilangan ng mga healthcare workers, senior citizens, at persons with comorbidities.
Target namang mabakunahan ang mga nasa hanay ng economic at government front-liners, kabilang ang nasa indigent communities.