Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na bilang ng nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng bente kuwatro oras ngayong Linggo, Abril 12.
Ito ay matapos makapagtala ng 50 bagong kaso ng pagkasawi dahil sa COVID-19 ang Department of Health (DOH), dahilan kaya umakyat na sa 297 ang kabuuang death toll.
Umabot naman sa 4,648 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos madagdagan ng 220 bagong kaso.
Naitala rin ngayong araw ang pinakamataas na bilang ng mga pasyenteng naka-rekober sa nabanggit na virus matapos namang madagdagan ng 40 mga bagong pasyenteng gumaling.
Sa kasalukuyan, nangunguna na ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamataas na kaso ng COVID-19 matapos maungusan ang Malaysia.