Nagpapasalamat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tiwala at kumpiyansang patuloy na ibinibigay sa kanila ng mga Pilipino.
Ito’y matapos makamit ng AFP ang 53.45% na trust at 67.4% approval ratings sa pinakabagong survey ng Publicus Asia para sa unang bahagi ng 2022.
Ayon kay AFP Spokesman, Army Col. Ramon Zagala, ang naging resulta ng survey ay patunay lang na kumpiyansa ang publiko na kayang gampanan ng AFP ang mandato nito na pangalagaan ang seguridad gayundin ay para panatilihin ang kapayapaan sa bansa.
Isinagawa ang naturang survey mula Marso a-30 hanggang Abril a-6 na nilahukan ng may 1,500 respondents kung saan, nakuha ng AFP ang pinakamataas na ibinibigay na trust and approval ratings sa lahat ng ahensya ng Pamahalaan.
Dahil dito, tiniyak ni Zagala na susuklian nila ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng puspusang dedikasyon sa pagtupad sa kanilang mandato na protektahan gayundin ay ipagtanggol ang estado mula sa anumang banta. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)