Likas na mahilig ang mga Pilipino sa beauty pageants. Sa ganitong kompetisyon, mahalaga ang kagandahan, katalinuhan, talento, at confidence ng mga kandidata.
Almost perfect man ang kanilang mga katangian, alam pa rin nating tao lamang ang mga hinahangaan nating beauty queens.
Ngunit posible na itong magbago dahil kamakailan lang, inilunsad ang “Miss AI”, ang pinakaunang beauty pageant para sa artificial intelligence (AI)-generated female models.
Higit sa 1,500 AI-generated women ang isinali sa beauty pageant na inorganisa ng online creator platform na Fanvue. Sampu lamang sa kanila ang nakapasok sa finals.
Kabilang sa mga bansang pasok sa Top 10 ang Morocco, Portugal, France, India, Romania, Turkey, Bangladesh, at Brazil.
Huhusgahan ang bawat kandidata batay sa kagandahan, social media influence, at paggamit ng AI tools ng kanilang creator.
Mananalo ng $5,000 o higit P290,000 cash prize ang creator ng makokoronahan bilang Miss AI.
Hindi lamang isang beauty pageant ang Miss AI, kundi pagpapakita sa AI bilang mahalagang marketing tool, partikular na sa larangan ng influencers.
Ayon sa creator ni Miss Turkey Seren Ay, ginawa nila ang AI model bilang brand ambassador ng kanilang jewelry e-commerce company dahil mahal at demanding umano ang human influencers.
Aniya, mas mura at mas flexible ang AI influencer at hindi pa ito sumasagot-sagot.
Tulad ng inaasahan, inulan ng pambabatikos ang Miss AI dahil inaagawan na nito ng pagkakataon ang mga tunay na babae, itinataguyod pa nito ang unrealistic beauty standards na itinatakda ng lipunan.
Gayunman, isang makabagong hakbang sa teknolohiya ang kakaibang beauty pageant na ito na nagbibigay-daan sa atin na mas maunawaan ang potensyal ng AI sa iba’t ibang industriya.