Ilalabas na ngayong araw ng Human Rights Victims’ Claims Board o HRVCB ang pinal na listahan ng mga biktima ng martial law ng rehimeng Marcos na makatatanggap ng danyos.
Ayon kay HRVCB Chair Lina Sarmiento, mula limampu’t limang libong (55,000) nanghihingi ng kompensasyon, labing isang libo (11,000) lamang ang kanilang inaprubahan dito.
Paliwanag ni Sarmiento, ang ilan sa kanila ay walang naipakitang ebidensya na sila’y talagang biktima ng pang-aabuso.
Dagdag pa ni Sarmiento, isang daang (100) porsyento na ang makukuhang danyos ng mga aprubadong claimants na ibibigay simula sa Martes, Mayo 8 hanggang sa Sabado, Mayo 12.
Tinatayang aabot sa 1.7 milyong piso ang matatanggap ng isang claimant depende sa klase ng pang-aabusong naranasan nto ng kanilang kaanak.
Sa darating na Sabado, Mayo 12, bubuwagin na ang Human Rights Victims’ Claims Board alinsunod sa itinakda ng batas.
—-