Wala pang anumang plano para sa posibleng pagpapalawig sa deadline ng pagsusumite ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga 2022 National and Local Elections candidates.
Ito ang nilinaw ni Acting COMELEC Spokesman John Rex Laudiangco sa kabila ng deadline ngayong araw.
Hanggang kahapon, anim na presidential candidates, apat na senatorial candidates, tatlong political parties at 34 na party-list groups pa lamang ang naghain ng kanilang SOCE.
Sa 10 presidential candidates, sina Senator Panfilo Lacson, Dr. Jose Montemayor, President-Elect Bongbong Marcos;
Vice President Leni Robredo, Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno ang nagsumite na ng kanilang SOCE hanggang kahapon.
Nakapagsumite na rin si vice presidential candidate, Dr. Willie Ong.
Samantala, sina dating PNP Chief, Gen. Guillermo Eleazar, dating Senator Antonio Trillanes, IV, Atty. Chel Diokno at Senator-Elect Jinggoy Estrada pa lamang ang naghain mula sa 64 na senatorial candidates.
Kabilang naman sa mga political party na nag-file na ng SOCE ang Unido, Partido Federal ng Pilipinas at Pwersa ng Masang Pilipino habang sa party-lists ay ang Abono, Senior Citizens, Anakpawis at Bayan Muna.