Inalmahan ng grupo ng mga guro ang desisyon ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa pinalawig na school year hanggang Hulyo.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, palalawigin din nito ang paghihirap ng mga estudyante, guro at magulang.
Kung hindi aniya matutugunan ang mga pangunahing problemang kinakaharap sa kasalukuyang distance learning program, mas lalo lang maghihirap ang mga guro, mag-aaral at magulang kung palalawigin pa ang school year.
Dagdag ni Castro, mas makabubuti kung makikinig ang DepEd sa mga stakeholders nito bago desisyunan ang naturang usapin.
Hinikayat din ni Castro ang DepEd na bumuo ng mas malinaw na plano para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sakaling magsagawa ng limited at voluntary face-to-face classes sa mga lugar na mababa hanggang sa walang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).