Hindi uubra ang pinalulutang ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ‘no-el’ scenario sa 2019 at term extension ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate Minority Floorleader Franklin Drilon, unang-una ay kinontra ng Pangulo ang mga nasabing usapin at malinaw sa konstitusyon ang tamang termino sa mga mambabatas.
Kailangan aniyang baguhin o amiyendahan ang Saligang Batas para maisagawa ang no election.
Binigyang diin ni Drilon na tiwala siyang hindi sasang-ayon ang mga kapwa senador niya lalo na yung mga naka-dalawang termino na sa naturang ‘no-el’ scenario.
“Ang ‘no-el’ hindi pupuwedeng mangyari yan unless you amend the Constitution which must be ratified in a plebiscite, ito po ay dapat mangyari bago ang May 2019 at ako’y may tiwala sa aking mga kasamahan sa Senado na hindi sila papasok dito, conflicted sila dahil sila’y magbe-benefit kung ‘no-el’ hindi po ba?” Ani Drilon
Samantala, tinawag naman na ispekulasyon ni House Deputy Speaker Fredenil Castro ang posibilidad na no election scenario sa 2019 at term extension ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Castro, walang makapagsasabi sa ‘no-el’ scenario sa susunod na taon hangga’t hindi na a amiyendahan ang 1987 Constitution.
Sinabi pa ni Castro, Vice Chair ng House Committee on Constitutional Amendments na tanging plebisito lamang ang paraan para hindi matuloy ang eleksyon dahil ang Kamara o Senado ay maaari lamang magsulong ng amyenda sa Saligang Batas.
Una nang inihayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na lahat ay posibleng mangyari maging ang ‘no-el’ scenario kapag naging matagumpay ang transition sa federal form of government na isinusulong noon pa ng Pangulong Duterte.
(Usapang Senado Interview)