Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang gobyerno na tiyakin ang agarang aksyon upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso ng ‘teenage pregnancy’ o maagang pagbubuntis sa mga lugar na nasalanta ng nagdaang mga bagyo.
Ayon sa senador, ang pagdami ng mga batang ina ang isa sa mga naging epekto ng Bagyong Yolanda noong 2013.
Sa pag aaral anya ni Dr. Gloria Luz Nelson, may mga batang may edad na 10 hanggang 19 ang humaharap sa pinakamatinding panganib sa mga relocation at evacuation centers, kung saan maaari silang pagsamantalahan at mabuntis.
Para kay Gatchalian, dapat maging hudyat ito sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang mga local government units, na siguruhin ang proteksyon ng mga kabataan, lalo na ng mga batang babae sa mga evacuation at relocation centers.
Sa ganitong sitwasyon ay mahalaga anya ang mga hakbang para sa pagpapatuloy ng edukasyon, pati mga programa sa child protection at reproductive health.
Giit ni Gatchalian, marami nang mga pagkakataong nakita na ang mga kalamidad ay nagiging sanhi ng pagdami ng mga batang ina, kaya’t kailangang tutukan ang bantang ito upang protektahan ang ating mga kabataan at ang kanilang kinabukasan.
Kaya para kay Gatchalian, mahalaga ang papel ng comprehensive sexuality education sa mga paaralan upang labanan ang paglobo ng mga kaso ng teenage pregnancy. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)