Balik sa Moderate Risk Classification ang Pilipinas mula sa pagiging low risk sa COVID-19 sa mga nakalipas na ilang linggo.
Ayon ito sa Department of Health (DOH) na nagsabing ang pagsirit ng kaso ng COVID-19 ay naitala sa kalagitnaan ng buwan ng Hulyo matapos ang pagbagal ng mga kaso ng virus.
Ipinabatid ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tumaas ng 1% ang dalawang linggong kaso ng COVID-19 sa Hulyo 11 hanggang 24 mula sa -10% sa petsang Hunyo 27 hanggang Hulyo 10.
Tumaas din sa 4.95 cases per 100,000 population ang National Average Daily Attack Rate (ADAR).
Pumalo sa average na 6,029 ang arawang bagong kaso mula Hulyo 22 hanggang 28, mas mataas sa nakalipas na linggo na nasa average na 5,576 new cases.
Sa kabila nito, nananatili sa safe zone ang mga okupadong hospital at ICU beds.