Kakailanganing mag-angkat ng karagdagang suplay ng bigas ang Pilipinas sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary William Dar, matapos aniyang mawalan ng tinatayang walong araw na suplay ang bansa bunsod ng pananalasa ng tatlong magkakasunod na bagyo.
Ayon kay Dar, umabot sa halos P12.3-bilyonng halaga ng naging pinsala sa agrikultura ng mga Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses kung saan mahigit 39% dito ay mga palay at bigas.
Sa kabila naman nito, tiniyak ni Dar na sapat pa rin ang kasalukuyang suplay ng bigas sa bansa na tatagal pa rin aniya ng 82 araw.
Sinabi ni Dar, target sana ng ahensiya ang 93% rice sufficiency sa susunod na taon.
Gayunman, dahil sa nagdaang bagyo, posibleng maabot lamang nila ang 89% hanggang 90% rice sufficiency.