Binigyang pagkilala at parangal ng Philippine National Police (PNP) ang yumaong si Sulu Provincial Police Office Chief P/Col. Michael Bawayan Jr.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, nagluluksa ang buong hanay ng Pambansang Pulisya sa pagpanaw ni Bawayan na isang opisyal na may karangalan at dignidad.
Kahapon, inihatid na sa kaniyang huling hantungan si Bawayan sa kaniyang tinubuang bayan sa La Trinidad, Benguet kung saan siya binigyan ng full burial honors ng kaniyang mga kabaro salig sa tradisyon ng PNP.
Personal na iniabot ng PNP Chief sa naulilang ina ni Bawayan na si Ginang Catalina ang watawat ng Pilipinas na siyang inilatag sa kabaong nito sa panahon ng kaniyang burol.
Magugunitang naging matunog ang pangalan ni Bawayan matapos na masibak sa puwesto kasunod ng nangyaring madugong shootout ng kaniyang mga tauhan sa 4 na Intell Officers ng Philippine Army sa Jolo noong Enero ng nakalipas na taon.
Subalit nang makabalik sa puwesto at magpatuloy sa serbisyo ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng kaniyang tauhan na si PSSgt. Imran Jilah matapos sitahin dahil sa mahabang buhok sa binabantayan niyang Qurantine Control Point sa Jolo noong Agosto 6.
Si Bawayan ay miyembro ng Philippine National Police Academy o PNPA “Kaagapay” Class of 1996. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)