Mas maraming serbisyo na ang magagamit ng mga miyembro ng PhilHealth.
Ito ang inanunsyo ni Dr. Israel Francis Pargas, Health Finance Senior Vice President ng PhilHealth, kung saan nagdagdag pa ng 50% sa benefits package para sa mga miyembro nito bago pa man aniya magtapos ang taong 2024.
Halos lahat aniya ng case rates ay tumaas kung saan hiwalay dito ang kidney transplant package na dati ay 600,000 pesos na aabot naman na hanggang dalawang milyong piso ngayong 2025.
Habang aabot naman sa 530,000 pesos ang benefit package ng angioplasty procedure o may sakit sa puso mula sa dating 30,000 pesos benefit package.
Dagdag pa ni Dr. Pargas, maging ang mga pasyenteng dinala sa emergency room na hindi naman na-admit o na-confine ay babayaran na rin ng PhilHealth.
Mayroon na rin aniyang package ang PhilHealth sa primary health care tulad ng dental health care para sa oral prophylaxis, oral examination at paglalagay ng fluoride kasama na rin ang emergency tooth extraction o bunot ng ngipin sa 15 laboratory. – Sa panulat ni Jeraline Doinog