Bumuhos ang pagkilala sa napaslang na hukom ng manila RTC noong Miyerkules.
Sa kanyang tweet ipinaabot ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan at staff ni Judge Maria Theresa Abadilla na binaril ng kanyang clerk of court na si Atty. Amador Rebato, Jr.
Nakiisa aniya siya sa pagkundena sa nasabing krimen lalo pat isa si Abadilla sa itinuturing na shining lights sa hudikatura.
Nagbigay din ng tribute sa pinaslang na hukom ang law school sorority nitong UP Portia na kinilala ang anito’y hindi mapapantayang commitment ni Abadilla sa rule of law at devotion sa pagbibigay ng hustisya para sa lahat.
Binigyang diin ng UP porti na hanggang sa araw ng kamatayan ni Abadilla ay sinuong nito ang bagyo para lamang matiyak ang mabilis na paggagawad ng hustisya.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa pamilya nina Abadilla at rebato kasabay ang pangakong patuloy na tutulong sa mga abogado para maibsan ang stress ng mga ito at mapaunlad ang kanilang personal security.
Una nang nakiramay sa pamilya ni Abadilla sina Chief Justice Diosdado Peralta at Retired Chief Justice Lucas Bersamin kasunod ang kautusan ng punong mahistrado na mapaigting ang seguridad sa mga korte matapos ang nasabing insidente.