Tatlong medalya ang hinakot ng isang pulis mula Bohol sa katatapos lamang na World Police and Fire Games na ginanap sa Netherlands.
Sinikwat ni Staff Sgt. Maria Caress Arnejo ang gold medal sa over 60 kilogram 30 plus category ng Karate.
Silver naman ang dinagit nito sa 10,000-meter run women’s master 30 plus category habang bronze sa karate kata kyu bet 18 plus category.
Aminado si Arnejo na naging atleta siya noong nasa kolehiyo pa bago maging pulis.
Samantala, ibinulsa rin ni Staff Sgt. Rodel bustamante ng Davao Del Sur, ang isang gold medal makaraang talunin ang pambato ng Malaysia sa men’s masters 40 plus 5,000-meter walk, na isang track and field event.
Halos 10,000 atleta na kabilang sa uniformed services, tulad ng mga pulis, bombero at corrections officer mula sa 70 bansa ang lumahok sa isang linggong World Police and Fire Games.