Nailigtas ng mga otoridad ang isang Pinoy worker sa Saudi Arabia na nakakaranas ng pambubugbog ng kanyang employer.
Ipinabatid ni Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Chief Hans Leo Cacdac na hawak na ng Philippine Labor Office si Amrani Duenias Mendez na isang house helper sa Riyadh.
Nai-post pa ni Mendez sa kanyang Facebook account ang video nang pananamantalang sekswal ng kaniyang employer at mga litrato ng mga sugat niya sa katawan.
Sinabi ni Mendez na nagalit sa kanya ang employer niya matapos tumakas ang isang kapwa house helper niya.
Tiniyak ni Cacdac ang pagtulong kay Mendez sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa kanyang employer.
Mananagot din aniya ang MSL Stars Human Resources Corporation na siyang nag-recruit kay Mendez kapag lumabas sa imbestigasyon na hindi nito ginawa ang responsibilidad na i-monitor ang kanilang mga ipinadalang manggagawa sa ibayong dagat.