Pinangalanan na ng embahada ng Pilipinas sa Doha sa Qatar ang Pinay na nasawi sa sunog sa isang gusali sa al Muntazah Area.
Tinukoy ni Philippine Ambassador Wilfredo Santos ang nasawing Pinay na si Chona Rian Pingul, 47 years old.
Nasa kritikal naman aniyang kondisyon sa Hamad General Hospital ang asawa ng Pinay na si Rafael Paule at anak nitong si Micaela.
Habang nagpapagaling naman sa nasabing ospital din ang anak nilang lalaki na si Rafael Lorenzo, 15 taong gulang.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa alam ang pinagmulan ng sunog pero tiniyak ni Santos na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad ng Qatar upang matukoy ito.
Samantala, tiniyak din ng ambassador na nakikipag- ugnayan na rin sila sa kaanak ng nasawi, sa katunayan aniya ay dumating na sa Doha ang panganay na anak ng OFW.
Patuloy pa rin naman ang pagpapaabot ng pakikiramay ng Filipino community sa Doha sa pamilya ng biktima.
Si Pingul ay 16 na taon ng nagtatrabaho sa Qatar at aktibong nakikilahok sa mga Pinoy community activities doon.
By Allan Francisco