Ligtas na sa parusang kamatayan ang isang hindi pa pinapangalanang overseas Filipina Worker (OFW) sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang naturang OFW ay naaresto noong October 2013 matapos madiskubre ang mga umano’y iligal na droga sa bagahe na binitbit niya para sa kinatawan ng kanyang deployment agency.
Naging aktibo ang Philippine Consulate General sa Jeddah upang tulungan ang Pinay sa kaso nito at mapatunayan na hindi kaniya ang nasabat na droga.
Ni-repatriate o pinauwi na ang nabanggit na OFW matapos makulong ng halos limang taon sa Saudi Arabia at hindi na rin pinagbabayad ng multang 100,000 riyal o 1.4 million pesos.
Bukod sa hindi pinangalanang Pinay, apat pang OFW na nakulong din sa Saudi ang pinalaya at nakauwi na matapos makumpleto ang kanilang sentensiya sa mga piitan.
—-