Patay ang isang Pinay Overseas Filipino Worker matapos umano itong mahulog sa gusaling pinagtatrabahuhan nito sa Lebanon.
Kinilala ang biktima na si Alma Kristobal na nalaglag mula sa ika anim na palapag ng gusali.
Pero duda ang pamilya ni Alma na aksidente ang pagkamatay ng kanilang kaanak.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Marilyn Orpia, pinagmamalupitan umano ng mga among Lebanese si Alma.
Nakakatanggap aniya siya ng text mula kay Alma na simula Pebrero ay hindi na ito pinapakain ng kanyang mga amo.
Maliban dito, ayaw rin umanong ibigay ng mga amo ni Alma ang passport nito nang minsang magsabi ang Pinay na nais nitong umuwi sa Pilipinas.
Kaya naman umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ni Alma na bigyang hustisya ang pagkamatay ng kapatid lalot naulila nito ang tatlo anak.