Tumalon ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa ikatlong palapag ng isang gusali kung saan umano siya ikinukulong ng kaniyang employment agency.
Umapela ang nasabing Pinay OFW na matulungan para makabalik kaagad sa Pilipinas.
Ang nasabing Pinay ay dumating sa Dubai noong Setyembre at sinundo sa airport at kaagad dinala sa kaniyang agency.
Pinangakuan itong mabibigyan ng trabaho subalit ilang linggo na siyang nakakulong sa opisina ng kaniyang agency at hindi binibigyan ng pagkain.
Isang Pinay naman ang nagdala sa nasabing OFW sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai para makakuha ng ayuda pabalik ng Pilipinas bagama’t imposible ito dahil hawak ng agency ang kaniyang passport.
Hinimok naman ng POLO ang mga OFW na tiyaking pumapasok ito sa kontrata sa mga employer na accredited lamang ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
—-