Isang filipinang household worker ang naka-quarantine sa Hong Kong matapos makasalamuha ang dalawang bisita ng kanyang amo na nagpositibo naman sa novel corona virus (NCov).
Ayon sa konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong, hindi nakitaan ng anumang sintomas ng sakit ang Pinay.
Gayunman kinakailangang sumailalim ito sa quarantine procedure bilang bahagi ng mahigpit na protocol at nakataas na emergency alert sa Hong Kong.
Tiniyak naman ng konsulada ng Pilipinas na mahigpit din silang nakikipag-ugnayan sa Hong Kong Department of Health para mabantayan ang kondisyon ng nabanggit na OFW at agad na mabigyan ito ng kinakailangang ayuda.
Umaasa rin ang konsulada na mananatiling malusog ang pinay worker at makakalabas ito ng quarantine sa lalung madaling panahon.