Hindi pa rin natatagpuan ang 24 anyos na Pilipina seafarer na si Jerlyn Isah Quisumbing na ilang araw nang nawawala makaraang mahulog sa dagat mula sa barkong pinagtatrabahuan nito sa Germany.
Sumampa si Quisumbing sa barko sa gitna ng pandemya para tumulong sa pamilya.
Ayon sa ulat, masama ang panahon at maalon ang dagat nang maglayag ang barkong MV Santa Clara noong Pebrero 7 sa North Sea Coast ng Germany.
Pasado alas-3 naman ng madaling araw nang mag-ayos umano ng gang-way o hagdanan ng barko si Quisumbing at posibleng nawalan umano ito ng balanse kayat nahulog mula sa barko.
Sinabi naman ng ama ng Pinay seafarers na si Richard Quisumbing, na base sa impormasyon na ibinigay sa kanya ng agency ni Jerlyn dito sa Pilipinas, wala umanong suot na anumang safety device ang kanyang anak nang mahulog ito sa dagat.
Agad rin daw na itinigil ng kapitan ang makina ng barko at agad na naghagis ng floating device sa dagat ngunit hindi na umano lumutang ang biktima.
Halos mag-iisang linggo na ang nakalipas, hindi parin natatagpuan si quisumbing kayat nagdesisyon na ang mga otoridad sa Germany na itinigil na ang search and rescue operation.
Inihayag pa ng mga magulang ni quisumbing na limitado na lamang ang detalye na kanilang nakukuha mula sa agency ng kanilang anak dahil sa wala narin daw itong gaanong natatanggap na impormasyon mula sa may-ari ng barko at employer ng biktima.
Maliban dito, tumanggi din umano ang agency na ipakausap sa pamilya ang mga kasamahang seafarers ni Quisumbing.
Gayunman, malaki parin ang paniniwala ng ina ni Jerlyn na si Ginang Rosanna Quisumbing na buhay pa ang kanilang anak.
Nangako naman ang OWWA na tutulungan nito ang mga magulang ni Jerlyn kasunod ng nangyaring insidente.