Patuloy umano ang imbestigasyon ng NBI upang matukoy at madakip ang mga sangkot sa naganap na pang-aabuso sa ilang mga bata kung saan isa ang namatay.
Kasunod ito ng pag-aresto sa 23 taong gulang na si Liezyl Margallo na dating live-in partner ng isang Australian National na si Peter Gerard Scully na dinakip noong Pebrero 2015 at nakakulong sa Cagayan de Oro City jail.
Kaugnay ito sa isang paid pornographic video sa internet noon na kung saan makikita sa nasabing video si Margallo na ibinitin patiwarik ang isang taong gulang na batang babae, hinampas ito ng sinturon, nilagyan ng tape ang bibig at pinapatakan ng kandila ang maselang bahagi ng katawan ang bata.
Sinasabi na hindi bababa sa 9 batang babaeng lansangan ang nabiktima nina Margallo at Scully, kasama na rito ang isang 12 taong gulang bata na nahukay sa apartment ng Australian National sa Surigao City. Namatay umano ang nasabing biktima dahil sa pananakal at internal bleeding dahil na rin sa pagpasok ng isang uri ng patalim sa puwetan ng nasabing bata.
Ayon sa NBI Anti-Human Trafficking Division, sinabi ni Margallo na nais niyang danasin ng kanyang mga biktima ang mga sakit na pinagdaanan niya bilang bata makaraang amining minaltrato rin siya ng sariling ina.
Nakakulong na si Margallo sa Cagayan De Oro City makaarang maaresto sa Malapascua, Cebu dahil sa kinahaharap na mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9995 or the Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009; Republic Act No. 9610 or the Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act; at Republic Act No. 9208 or the Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
By: Avee Devierte / Robert Eugenio