Tinapos ng Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz ang 20 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa Olympic medal.
Ito ay karaang masungkit ni Diaz ang silver medal sa 53 kilogram class sa weightlifting sa 2016 Rio Olympics.
Dahil dito, ang 25-anyos na Pinay weightlifter ang ikatlong Pinoy na makakapag-uwi ng silver medal sa Olympics.
Taong 1996 nang masungkit ng boksingerong si Mansueto ‘Onyok’ Velasco ang Olympic medal nito sa Atlanta Games habang una namang nanalo ng pilak na medalya sa Olympics ang featherweight boxer na si Anthony Villanueva noong 1964 Tokyo Olympics.
Umukit ng kasaysayan si Diaz bilang kauna-unahang Pinay na nakasungkit ng silver medal sa Olympics.
Si Diaz din ang kauna unahang atletang mula sa Mindanao at hindi mula sa boksing na nakapag-uwi ng medalya sa Olympics.
Sa kanyang Facebook page, ipinaabot ng Olympic silver medalist na si Hidilyn Diaz ang abot langit na pasasalamat nito sa Diyos para sa kanyang nakuhang tagumpay.
Samantala, natapos naman na ang karera sa 2016 Rio Olympics ng Pinoy weigthlifter na si Nestor Colonia.
Ito ay matapos mabigo si Colonia sa tatlong pagtatangka sa clean and jerk event ng Men’s 56 kilogram weightlifting.
Ang first time Olympian na si Colonia ay nakapagbuhat lamang ng kabuuang 120 kilogram at kinapos na sa tangka nitong buhatin ang barbell sa bigat na 154 kilogram.
Ang 24-anyos na si Colonia ay bronze medalist sa 2015 World Weightlifting Championships at Gold Medalist sa Asian Championships.
By Ralph Obina
Photo Credit: Reuters /EPA/NIC BOTHMA